1 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno sa bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang baston at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. 12 lahat ang baston.
3 Sa baston ng lahi ni Levi, isulat ang pangalan ni Aaron dahil kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi.
4 Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron.
5 At ang baston ng taong pipiliin ko na maglingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron.”
6 Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay 12 at isa rito ang kay Aaron.
7 Inilagay lahat ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon doon sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan.
8 Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendro.
9 Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan para maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin.”
11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mamamatay kami nitong lahat!
13 Dahil sinumang lumapit sa Tolda ng Panginoon ay mamamatay. Mamamatay na ba kaming lahat?”