1 Nang mabalitaan ng Cananeong hari ng Arad na naninirahan sa Negev, na paparating ang mga Israelita na dumadaan sa Atarim, sinalakay niya sila at binihag ang iba sa kanila.
2 Pagkatapos, sumumpa ang mga Israelita sa Panginoon, “Kung ibibigay nʼyo po ang mga taong ito sa aming mga kamay, wawasakin namin nang lubusan ang kanilang mga bayan bilang handog sa inyo.”
3 Pinakinggan ng Panginoon ang pakiusap ng mga Israelita at ibinigay niya sa kanila ang mga Cananeo. Lubusan silang nilipol ng mga Israelita pati ang kanilang mga bayan bilang handog sa Panginoon, kaya tinawag itong lugar ng Horma.
4 Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay,
5 kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”
6 Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila.
7 Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.”
9 Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.
10 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at nagkampo sila sa Obot.
11 Mula sa Obot, naglakbay uli sila at nagkampo sa Iye Abarim, sa disyerto na nasa bandang silangan ng Moab.
12 Mula roon, naglakbay sila at nagkampo sa Lambak ng Zered.
13 At mula sa Zered naglakbay na naman sila at nagkampo sa kabila ng Lambak ng Arnon, na nasa ilang na malapit sa teritoryo ng mga Amoreo. Ang Arnon ang hangganan sa gitna ng lupain ng mga Moabita at lupain ng mga Amoreo.
14 Iyan ang dahilan kung bakit nakasulat sa Aklat ng Pakikipaglaban ng Panginoon ang bayan ng Waheb na sakop ng Sufa, ang mga lambak ng Arnon,
15 pati ang gilid ng mga lambak na umaabot sa bayan ng Ar na nasa hangganan ng Moab.
16 Mula roon sa Arnon, nagpatuloy ang mga Israelita sa Beer, ang balon na kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin ninyo ang mga tao at bibigyan ko sila ng tubig.”
17 At doon umawit ang mga Israelita ng awit na ito:Patuloy na magbibigay ng tubig ang balong ito!Aawit tayo tungkol sa balong ito
18 na ipinahukay ng mga pinuno at mararangal na tao sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.Mula sa disyerto nagpunta sila sa Matana;
19 mula sa Matana nagpunta sila sa Nahaliel; mula sa Nahaliel nagpunta sila sa Bamot,
20 at mula sa Bamot nagpunta sila sa lambak ng Moab, na kung saan makikita ang disyerto sa baba ng tuktok ng Pisga.
21 Ngayon, nagsugo ng mga mensahero ang Israel kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Ganito ang kanilang mensahe:
22 Kung maaari ay payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid, o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.
23 Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang mga Israelita sa kanyang teritoryo. Sa halip, tinipon niya ang kanyang mga sundalo at nagpunta sila sa disyerto para salakayin ang mga Israelita. Pagdating nila sa Jahaz, nakipaglaban sila sa mga Israelita.
24 Pero pinagpapatay sila ng mga Israelita, at inagaw nila ang kanilang lupain mula sa Arnon papunta sa Ilog ng Jabok. Pero hanggang sa hangganan lang sila ng lupain ng mga Ammonita dahil ang kanilang hangganan ay napapaderan.
25 Kaya naagaw ng mga Israelita ang lahat ng lungsod ng mga Amoreo at tinirhan nila ito, pati ang Heshbon at ang lahat ng baryo na sakop nito.
26 Ang Heshbon ang kabisera ng lungsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Natalo niya noon ang isang hari ng Moab at inagaw niya ang lahat ng lupain nito hanggang sa Arnon.
27 Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga makata na,“Pumunta kayo sa Heshbon, ang lungsod ni Sihon, at muli nʼyo itong ipatayo.
28 Noon, sumasalakay ang mga sundalo ng Heshbon katulad ng naglalagablab na apoy at lumamon sa bayan ng Ar na sakop ng Moab at sumira sa mataas na lugar ng Arnon.
29 Nakakaawa kayong mga taga-Moab! Bumagsak kayong mga sumasamba sa dios na si Kemosh. Kayo na mga anak niya ay pinabayaan niyang mabihag ni Sihon na hari ng Amoreo.
30 Pero ngayon, bagsak na ang mga Amoreo. Nagiba ang lungsod ng Heshbon, pati ang Dibon, Nofa at Medeba.”
31 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupain ng mga Amoreo.
32 Pagkatapos, nagpadala si Moises ng mga espiya sa Jazer, at inagaw din nila ito pati ang mga baryo na sakop nito. Pinaalis nila ang mga Amoreo na naninirahan doon.
33 Pagkatapos, nagpunta naman sila sa Bashan, pero sinalakay sila ni Haring Og ng Bashan at ng kanyang buong sundalo roon sa Edrei.
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo at ang kanyang mga sundalo sa inyo, pati ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.”
35 Kaya pinagpapatay ng mga Israelita si Og pati ang mga anak niya at ang lahat niyang mamamayan, kaya walang natira sa kanila. At inangkin ng mga Israelita ang lupaing sakop ni Og.