1-2 Ngayon, nagrebelde kay Moises si Kora na anak ni Izar, na angkan ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa pagrerebelde sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na mula sa lahi ni Reuben. May kasama pa silang 250 lalaking Israelita na kilala at pinili ng mga pinuno mula sa kapulungan ng Israel.
3 Pumunta silang lahat kina Moises at Aaron, at sinabi, “Sobra na ang ginagawa nʼyo sa amin, ang buong sambayanan ay banal at nasa gitna nila ang presensya ng Panginoon, kaya bakit ninyo ginagawang mas mataas ang inyong sarili ng higit sa aming lahat?”
4 Pagkarinig nito ni Moises, nagpatirapa siya para manalangin sa Panginoon.
5 Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng kanyang tagasunod, “Bukas ng umaga, ipapahayag ng Panginoon kung sino ang totoong pinili na maglingkod sa kanya bilang mga pari dahil palalapitin niya sa kanyang presensya ang kanyang pinili. Kaya ganito ang inyong gagawin bukas: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso
6-7 at lagyan ninyo ito ng baga at insenso, at dalhin sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, makikita natin kung sino ang pinili ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Kayong mga Levita ang sumusobra na ang mga ginagawa!”
8 Sinabi pa ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita.
9 Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Dios ng Israel na makalapit sa kanyang presensya para maglingkod sa kanyang Tolda at para maglingkod para sa sambayanan?