8 Sinabi pa ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita.
9 Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Dios ng Israel na makalapit sa kanyang presensya para maglingkod sa kanyang Tolda at para maglingkod para sa sambayanan?
10 Pinili niya kayo at ang iba pang mga Levita para makalapit sa kanyang presensya, at ngayon gusto pa ninyong maging pari?
11 Sino ba si Aaron para reklamuhan ninyo? Sa ginagawa ninyong iyan, ang Panginoon ang inyong kinakalaban.”
12 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Pero sinabi nila, “Hindi kami pupunta!
13 Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Egipto na maganda at masaganang lupain para patayin lang kami rito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin.
14 At isa pa, hindi mo kami dinala sa maganda at masaganang lupain o binigyan ng mga bukid o mga ubasan na aming aariin. Ngayon, gusto mo pa ba kaming lokohin? Hindi kami pupunta sa iyo!”