14 Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan.
15 Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio,
16 pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo.
17 Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18 Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.”
19 Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20 Sumagot muli ang hari ng Edom:“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita.