1 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab, at nagkampo sila sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa harapan ng Jerico.
2 Alam ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor, ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo,
3 at natakot siya at ang mga Moabita dahil sa dami ng mga Israelita.
4 Sinabi ng mga Moabita sa mga tagapamahala ng Midian, “Uubusin talaga tayo ng mga taong ito, tulad ng baka na nanginginain ng mga damo.”Kaya si Balak na anak ni Zipor, na siyang hari ng Moab nang mga panahong iyon
5 ay nagsugo ng mga mensahero para ipatawag si Balaam na anak ni Beor na naninirahan sa Petor. Sa Petor, malapit sa Ilog ng Eufrates ipinanganak si Balaam. Ito ang mensahe ni Balak:May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami at naninirahan sila malapit sa amin.
6 Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.