36-40 Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.
41 Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
42-46 Ito ang parte ng mga Israelita na kalahati ng ibinigay ni Moises sa mga sundalong nakipaglaban: 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno at 16,000 dalaga.
47 Mula sa parteng ito ng Israelita, nagbukod si Moises ng isa sa bawat 50 tao o hayop ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. At ibinigay niya ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.
48 Pagkatapos, pumunta kay Moises ang mga opisyal ng mga sundalo
49 at sinabi sa kanya, “Binilang namin ang mga sundalo na sakop namin at wala ni isa mang kulang.
50 Kaya inihahandog namin sa Panginoon ang gintong mga bagay na aming nakuha sa labanan – pulseras sa braso at kamay, mga singsing, mga hikaw at mga kwintas, para hindi kami parusahan ng Panginoon.”