12 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo at kay Josue na anak ni Nun, dahil sumunod sila sa akin nang buong puso nila.’
13 Nagalit nang matindi ang Panginoon sa mga Israelita, kaya pinaikot-ikot niya sila sa ilang sa loob ng 40 taon hanggang sa nangamatay ang buong henerasyon na gumawa ng masama sa kanyang paningin.
14 “At ngayon, kayo namang lahi ng mga makasalanan ang pumalit sa inyong mga ninuno at dinagdagan pa ninyo ang galit ng Panginoon sa mga Israelita.
15 Kung hindi kayo susunod sa Panginoon, pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”
16 Pero lumapit pa sila kay Moises at sinabi, “Gagawa na lang po kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop at mga lungsod para sa aming mga kababaihan at anak.
17 Pero handa po kaming pangunahan ang aming mga kapwa Israelita sa pakikipaglaban hanggang sa madala namin sila sa kanilang mga lugar. Habang nakikipaglaban kami, dito po maninirahan ang aming mga anak sa napapaderang lungsod na aming ipapatayo para maging ligtas sila sa mga naninirahan sa lupaing ito.
18 Hindi po kami uuwi hanggang sa matanggap ng lahat ng mga Israelita ang lupaing kanilang mamanahin.