20 Pero kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa,
21 sumusumpa ako na magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.
22 Ang tubig sana na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’ Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’
23 “At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig.
24 (Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.)
25 Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa aking presensya at dadalhin sa altar.
26 Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na ito upang malaman kung nagkasala nga ang babae o hindi, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig.