1 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa akin bilang Nazareo,
3 kailangang hindi siya iinom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng katas ng ubas, o kumain ng ubas o pasas.
4 Habang isa siyang Nazareo, kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.
5 “Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon. Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok.
6 At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon, hindi siya dapat lumapit sa patay,
7 kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon.