Bilang 6:14-20 ASND

14 Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.

15 Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.

16 “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog;

17 pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.

18 “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon.

19 Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket.

20 Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinaas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay para na sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon. Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.