1 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila.
2 Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban.
3 Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon.
4 Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.”
5 Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.
6 Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.”