1 Napakatanda na ni Josue. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Matanda ka na at marami pang lupain ang kailangang sakupin.
2 Ito pa ang mga naiwan: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo at Geshureo
3 na bahagi ng teritoryo ng mga Cananeo. Ito ay mula sa ilog ng Shihor sa silangan ng Egipto, hanggang sa hilagang hangganan ng Ekron kasama ang limang bayan ng mga Filisteo: Gaza, Ashdod, Ashkelon, Gat at Ekron, at ang lupain ng mga Aveo
4 sa timog; ang lahat ng lupain ng mga Cananeo mula sa Meara, na dating nasasakupan ng mga Sidoneo, hanggang sa Afek na nasa hangganan ng lupain ng mga Amoreo;
5 ang lupain ng mga Gebaleo, at ang buong Lebanon sa silangan, mula sa Baal Gad sa ibaba ng Bundok ng Hermon hanggang sa Lebo Hamat;
6 at pati ang mga kabundukan mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot Maim, na bahagi ng nasasakupan ng mga Sidoneo.“Sa paglusob ninyo, ako mismo ang magtataboy sa mga nakatira sa mga lugar na ito. Tiyakin mong mahahati-hati ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, ayon sa iniutos ko sa iyo.
7 Isama mo ito sa paghahatiang lupain ng siyam na lahi at sa kalahating lahi ni Manase.”
8 Ang lahi ni Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan na ni Moises na lingkod ng Dios ng bahagi nila sa silangan ng Jordan.
9 Ang lupa nila ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) papunta sa buong talampas ng Medeba hanggang sa Dibon.
10 Umabot ito sa lahat ng bayan na pinamahalaan ni Sihon na Amoreo na naghari sa Heshbon, hanggang sa hangganan ng mga Ammonita.
11 Nakasama rin ang Gilead at ang mga lupaing tinirhan ng mga Geshureo at mga Maacateo at ang buong lugar na tinatawag na Bundok ng Hermon, at ang buong Bashan hanggang Saleca.
12 Nakasama rin ang kaharian ni Og na naghari sa Ashtarot at sa Edrei. Si Og ay isa sa mga naiwang Refaimeo. Silaʼy tinalo ni Moises at itinaboy sa kanilang mga lupain.
13 Pero hindi naitaboy ng mga Israelita ang mga Geshureo at mga Maacateo, kaya nakatira pa rin sila kasama ng mga Israelita hanggang ngayon.
14 Hindi binigyan ni Moises ang lahi ni Levi ng lupain bilang mana. Ang matatanggap nila ay ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na para sa Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15 Ito ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Reuben, na hinati ayon sa bawat pamilya:
16 Ang nasasakupan nila ay mula sa Aroer na nasa tabi ng Lambak ng Arnon (kasama na ang bayan sa gitna nito) hanggang sa buong talampas ng Medeba.
17 Nakasama rin ang Heshbon at ang lahat ng bayan nito sa talampas: ang Dibon, Bamot Baal, Bet Baal Meon,
18 Jahaz, Kedemot, Mefaat,
19 Kiriataim, Sibma, Zeret Shahar (na nasa burol sa gitna ng lambak),
20 Bet Peor, ang libis ng Pisga, Bet Jeshimot,
21 at ang lahat ng bayan sa buong talampas at ang lahat ng lugar na sakop ng hari ng Amoreo na si Haring Sihon ng Heshbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga pinuno ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Lahat sila ay naghari sa mga lupain nila sa ilalim ng pamamahala ni Haring Sihon.
22 Kasama sa mga pinatay ng mga Israelita si Balaam na manghuhula na anak ni Beor.
23 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan ng lahi ni Reuben. Ito nga ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Reuben na hinati sa bawat sambahayan.
24 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa lahi ni Gad, na hinati ayon sa bawat sambahayan:
25 Ang Jazer at ang lahat ng bayan ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer malapit sa Rabba.
26 Nakasama rin ang mga lupain mula sa Heshbon hanggang sa Ramat Mizpa at Betomin, at mula sa Mahanaim hanggang sa hangganan ng Lo Debar.
27 Ang lupaing natanggap nila sa Lambak ng Jordan ay ang Bet Haram, Bet Nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Haring Sihon ng Heshbon. Ang hangganan sa kanluran ay ang Ilog ng Jordan hanggang sa Lawa ng Galilea.
28 Ito ang mga bayan at baryo na ibinigay sa lahi ni Gad na hinati ayon sa bawat sambahayan.
29 Ito naman ang bahagi ng lupain na ibinigay ni Moises sa kalahating lahi ni Manase, na hinati ayon sa bawat sambahayan:
30 Mula sa Mahanaim hanggang sa buong Bashan, ang buong kaharian ni Haring Og ng Bashan at ang 60 bayan ng Jair na sakop ng Bashan.
31 Nakasama rin ang kalahati ng Gilead, at ang Ashtarot at Edrei, ang mga lungsod sa Bashan kung saan naghari si Og. Ito ang lupain na ibinigay sa kalahating angkan ni Makir na anak ni Manase, ayon sa bawat pamilya.
32 Ito ang ginawang paghahati-hati ni Moises sa mga lupain sa silangan ng Jerico at Jordan nang nandoon siya sa kapatagan ng Moab.
33 Pero sa lahi ni Levi, hindi niya sila binigyan ng lupain bilang mana dahil ang mamanahin nila ay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa ipinangako sa kanila.