1 Tinipon ni Josue ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase.
2 Sinabi ni Josue sa kanila, “Ginawa nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon at sinunod din ninyo ang lahat ng iniutos ko.
3 Hanggang ngayon, hindi nʼyo pinapabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita at tinupad nʼyong mabuti ang lahat ng iniutos sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
4 At ngayon, naangkin na ng mga kapatid ninyong Israelita ang kapahingahan na ipinangako sa kanila ng Panginoon. Kaya bumalik na kayo sa mga lugar nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon.
5 Pero huwag nʼyong kalimutang tuparin ang mga utos at katuruan na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Ibigin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios, mamuhay kayo ayon sa kalooban niya, tuparin ang mga utos niya, maging matapat sa kanya at paglingkuran nʼyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa.”
6 Binasbasan sila ni Josue at pinauwi.
7 (Ang kalahating lahi ni Manase ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan at ang kalahati pang angkan ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan kasama ng ibang mga angkan.)Nang papauwi na sila, binasbasan sila ni Josue
8 at sinabi, “Magsiuwi kayo na dala ang marami nʼyong kayamanan – mga hayop, pilak, ginto, tanso, bakal at mga damit. Bigyan din ninyo ang inyong mga kamag-anak ng mga nasamsam ninyo sa inyong mga kalaban.”
9 At umuwi na ang mga mamamayan ng lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase. Iniwan nila ang mga kapatid nilang Israelita sa Shilo, sa lupain ng Canaan at bumalik sa Gilead, ang lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10 Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan.
11-12 At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan. Kaya nagtipon sila sa Shilo para makipaglaban sa kanila.
13 Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase.
14 May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila.
15 Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase,
16 “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya.
17 Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon?
18 At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel.
19 Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin.
20 Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”
21 Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno,
22 “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito.
23 Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.
24 “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel?
25 Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog,
27 kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya. Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’
28 At kung mangyari nga na sabihin nila ito sa mga kaapu-apuhan namin, sasagutin sila ng kaapu-apuhan namin, ‘Tingnan nʼyo! Nagpatayo ang mga ninuno namin ng altar, gaya ng altar ng Panginoon, hindi para pag-alayan ng mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog, kundi upang maging paalala para sa amin at sa inyo na isang Dios lamang ang ating sinasamba.’
29 “Hindi namin magagawa na magrebelde o sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatayo namin ng sariling altar para pag-alayan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog. Hindi namin ipagpapalit ang altar ng Panginoon na ating Dios na nandoon sa harap ng kanyang Tolda.”
30 Natuwa sina Finehas na pari at ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ng mga lahi nina Reuben, Gad at ng kalahating lahi ni Manase.
31 Kaya sinabi ni Finehas, anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin ang Panginoon dahil hindi kayo nagrebelde sa kanya. Niligtas nʼyo ang Israel sa parusa ng Panginoon.”
32 Pagkatapos, umuwi sa Canaan sina Finehas at ang mga pinuno, at sinabi nila sa mga Israelita ang pakikipag-usap nila sa mga lahi nina Reuben at Gad.
33 Nang marinig nila ito, natuwa sila at nagpuri sa Dios. At hindi na sila nagsalita tungkol sa paglusob sa lupain na tinitirhan ng mga lahi nina Reuben at Gad.
34 Pinangalanan ng mga lahi nina Reuben at Gad ang altar na “Saksi”, dahil sabi nila, “Saksi ito para sa ating lahat na ang Panginoon ay Dios.”