1 Ito ang pagkakahati ng iba pang mga lupain ng Canaan sa mga Israelita. Hinati-hati ito nila Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng bawat lahi ng Israel.
2 Ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, ang mga lupain ng siyam at kalahati na mga lahi ay pinaghahati-hati sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan.
3-4 Ibinigay na ni Moises sa dalawaʼt kalahating lahi ang bahagi nila sa silangan ng Jordan. (Ang lahi ni Jose ay hinati sa dalawa, ang lahi ni Manase at ang lahi ni Efraim.) Hindi binigyan ng lupain ang mga Levita, pero binigyan sila ng mga bayan na titirhan nila at mga bukirin para sa mga hayop nila.
5 Ganito ang paghahati ng mga lupain sa mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.
6 Isang araw pumunta kay Josue sa Gilgal ang ilang mga tao mula sa lahi ni Juda. Ang isa sa kanila ay si Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo. Sinabi niya kay Josue, “Naaalala mo pa ba ang sinabi ng Panginoon kay Moises na lingkod ng Dios tungkol sa ating dalawa nang naroon tayo sa Kadesh Barnea?
7 Akoʼy 40 taong gulang pa lang noon nang inutusan ako ni Moises mula sa Kadesh Barnea para mag-espiya sa lupaing iyon, at ipinagtapat ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko.
8 Ngunit tinakot ng mga kasama ko ang mga kababayan natin. Pero ako, matapat kong sinunod ang Panginoon kong Dios.
9 Kaya nang araw na iyon, nangako si Moises sa akin. Sinabi niya, ‘Dahil matapat ka sa pagsunod sa Panginoon kong Dios, magiging iyo at sa mga angkan mo ang lupaing pinuntahan mo para mag-espiya.’
10 “Nakalipas na ang 45 taon nang sabihin iyon ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. Naglalakbay pa noon ang mga Israelita sa ilang. Buhay pa ako hanggang ngayon at 85 taong gulang na ako,
11 pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati.
12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kabundukan na ipinangako sa akin noon ng Panginoon. Ikaw mismo ang nakarinig noon, na nakatira roon ang mga lahi ni Anak at matitibay ang mga lungsod nila na may mga pader. Pero sa tulong ng Panginoon, maitataboy ko sila sa lupaing iyon ayon sa pangako niya sa akin.”
13 Binasbasan ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron bilang mana niya.
14 Hanggang ngayon, ang Hebron ay pagmamay-ari ng mga angkan ni Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo dahil matapat na sinunod ni Caleb ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
15 Kiriat Arba ang pangalan noon ng Hebron bilang alaala kay Arba, ang pinakatanyag sa mga lahi ni Anak.At nahinto na ang labanan sa lupain ng mga Israelita.