1 Nabalitaan ng lahat ng hari na Amoreo sa kanluran ng Jordan at ng lahat ng haring Cananeo sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang Ilog ng Jordan nang tumawid ang mga Israelita. Kaya natakot sila at naduwag sa pakikipaglaban sa mga Israelita.
2 Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na gawa sa bato, at tuliin ang mga Israelita.” (Ito ang ikalawang pagkakataon na tutuliin ang mga Israelitang hindi pa tuli.)
3 Kaya gumawa si Josue ng mga patalim, at tinuli ang mga lalaking Israelita roon sa lugar na tinawag na Bundok ng Pinagtulian.
4-6 Ito ang dahilan kung bakit tinuli ni Josue ang mga lalaki: Nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, ang lahat ng lalaki ay natuli na. Pero ang mga isinilang sa loob ng 40 taon na paglalakbay nila sa ilang ay hindi pa natutuli. Nang panahong iyon, ang mga lalaking nasa tamang edad na para makipaglaban ay nangamatay dahil hindi sila sumunod sa Panginoon. Sinabi sa kanila ng Panginoon na hindi nila makikita ang maganda at masaganang lupain na ipinangako niya sa mga ninuno nila.
7 Ang mga anak nilang lalaki na pumalit sa kanila ang tinuli ni Josue, dahil hindi pa sila tuli nang panahong naglalakbay sila.
8 Matapos silang matuli, nanatili sila sa mga kampo nila hanggang sa gumaling ang mga sugat nila.
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, inalis ko sa inyo ang kahihiyan ng pagiging alipin nʼyo sa Egipto.” Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal hanggang ngayon.
10 Noong gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan, habang nagkakampo pa ang mga Israelita sa Gilgal, sa Kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Pista ng Paglampas ng Anghel.
11 Kinaumagahan, kumain sila ng mga produkto ng lupaing iyon: binusang trigo at tinapay na walang pampaalsa.
12 Mula nang araw na iyon, tumigil na ang pagbagsak ng “manna”, at wala ng “manna” ang mga Israelita. Ang pagkain nila ay galing na sa inani sa lupain ng Canaan.
13 Nang malapit na si Josue sa Jerico, bigla niyang nakita ang isang lalaking nakatayo sa harap niya na may hawak na espada. Tinanong siya ni Josue, “Kakampi ka ba namin o kalaban?”
14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Naparito ako bilang pinuno ng mga sundalo ng Panginoon.” Nagpatirapa si Josue bilang paggalang sa kanya at nagtanong, “Ginoo, ano po ang gusto nʼyong ipagawa sa akin na inyong lingkod?”
15 Sumagot ang kumander ng mga sundalo ng Panginoon, “Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal na lugar ang kinatatayuan mo.” At sinunod ni Josue ang iniutos sa kanya.