1 At sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na pumili sila ng mga lungsod na tanggulan ayon sa sinabi ko noon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.
3 Ang taong nakapatay nang hindi sinasadya ay maaaring makakatakas roon at makapagtago mula sa mga taong gustong gumanti sa kanya.
4 Maaari siyang magtago sa isa sa mga lungsod na ito. Haharap siya sa tagapamahala na naroon sa pintuan ng lungsod at magpapaliwanag tungkol sa nangyari. Pagkatapos, papapasukin siya at doon patitirahin.
5 Kung hahabulin siya roon ng gustong gumanti sa kanya, hindi siya ibibigay ng mga naninirahan doon. Kakampihan nila siya dahil hindi niya sinadya ang pagpatay sa kanyang kapwa, at napatay niya ito hindi dahil sa kanyang galit.
6 Mananatili siya sa lungsod na iyon hanggang madinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan at hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na naglilingkod nang panahong iyon. Pagkatapos, makakauwi na siya sa kanila.”
7 Kaya pinili nila ang Kedesh sa Galilea sa kabundukan ng Naftali, ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda.
8 Sa silangan ng Ilog ng Jordan at ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben, ang Ramot sa Gilead na sakop ng lahi ni Gad at ang Golan sa Bashan na sakop ng lahi ni Manase.
9 Ito ang mga lungsod na tanggulan na pinili para sa mga Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama nila. Ang sinumang makapatay nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapatay ng mga gustong gumanti sa kanya habang hindi pa dinidinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan.