19 Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan.
20 Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.
21 Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan.
22 Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.
23 Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.At nahinto na ang labanan sa buong lupain.