2 May pito pang lahi ng mga Israelita na hindi pa napapartihan ng lupa.
3 Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Kailan nʼyo pa ba sasakupin ang natirang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nʼyo?
4 Pumili kayo ng tatlong tao sa bawat lahi. Papupuntahin ko sila para suriin ang natirang lupain. Pagkatapos, babalik sila sa akin na may dalang mapa na ginawa nila na nagpapakita kung papaano hahatiin ang lupaing iyon.
5 Dapat hatiin ang lupain sa pitong bahagi, hindi kasali ang lupain ng lahi ni Juda sa timog at ang lupain ng lahi ni Jose sa hilaga.
6 Pagkatapos madala ang mapa sa akin, magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon na ating Dios, kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.
7 Pero ang mga Levita ay hindi papartihan ng lupa, dahil ang bahagi nila ay ang paglilingkod sa Panginoon bilang mga pari. Ang mga lahi nina Gad, Reuben, at ang kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng mga bahagi nilang lupain sa silangan ng Jordan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”
8 Nang papaalis na ang mga napiling tao, sinabi ni Josue sa kanila, “Suriin nʼyo ang buong lupain at gawan nʼyo ito ng mapa. Pagkatapos, bumalik kayo rito sa akin sa Shilo, dahil magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.”