10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan.
11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa.
12 Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng Panginoon na tutulungan nʼyo ang pamilya ko gaya ng pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay
13 na hindi nʼyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan.”
14 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Itataya namin ang buhay namin para sa inyo! Huwag mo lang ipagsasabi ang pag-espiya namin dito, hindi ka namin gagalawin kapag ibinigay na ng Panginoon ang lupaing ito sa amin.”
15 Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid.
16 Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”