3 Kaya nagpadala ng mensahe ang hari kay Rahab, na sinasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”
4-6 Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Pero ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang linen na pinapatuyo niya roon.)Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya.
7 Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog ng Jordan.
8 Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at
9 sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo.
10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan.
11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa.