23 Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.
24 “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel?
25 Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog,
27 kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya. Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’
28 At kung mangyari nga na sabihin nila ito sa mga kaapu-apuhan namin, sasagutin sila ng kaapu-apuhan namin, ‘Tingnan nʼyo! Nagpatayo ang mga ninuno namin ng altar, gaya ng altar ng Panginoon, hindi para pag-alayan ng mga handog na sinusunog at ng iba pang mga handog, kundi upang maging paalala para sa amin at sa inyo na isang Dios lamang ang ating sinasamba.’
29 “Hindi namin magagawa na magrebelde o sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatayo namin ng sariling altar para pag-alayan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog. Hindi namin ipagpapalit ang altar ng Panginoon na ating Dios na nandoon sa harap ng kanyang Tolda.”