10 Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng 1,000 tao dahil ang Panginoon na inyong Dios ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya.
11 Kaya ingatan ninyong lubos sa inyong puso na ibigin ang Panginoon na inyong Dios.
12 “Pero kung tatalikod kayo sa kanya at makikipag-isa sa mga karatig bansang natira, at makikipag-asawa sa kanila at makikisalamuha,
13 tiyak na hindi na itataboy ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansang ito. Sa halip, magiging mapanganib sila para sa inyo gaya ng bitag, at magiging pahirap sila sa inyo gaya ng malupit na latigo kapag hinagupit kayo sa likod o kayaʼy tinik kapag tinusok ang mata ninyo. Mangyayari ito hanggang sa mamatay kayong lahat sa magandang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
14 “Malapit na akong mamatay. Nalalaman nʼyo ng buong puso ninyoʼt kaluluwa na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala, kahit isa na hindi niya tinupad.
15 Pero ngayon na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo, tutuparin din niya ang parusa na babala niya sa inyo hanggang sa malipol niya kayo rito sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.
16 Oo, mangyayari ito sa inyo kung lalabag kayo sa kasunduan ng Panginoon na inyong Dios at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios. Talagang ipaparanas niya sa inyo ang kanyang galit at malilipol agad kayo sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”