19 Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo.
20 Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”
21 Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.”
22 Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”
23 Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.”
24 Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”
25 Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin.