22 Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”
23 Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon, ang Dios ng Israel.”
24 Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang Panginoon naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.”
25 Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin.
26 Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng Panginoon.
27 At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang Panginoon sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.”
28 Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.