5 Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno.
6 Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe.
7 Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.
8 “ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila.
9 Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo.
10 Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.
11 “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila.