19 Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico.
20 Doon ipinalagay ni Josue ang 12 bato na ipinakuha niya sa Ilog ng Jordan.
21 Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito,
22 sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog ng Jordan.
23 Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Dios ang Ilog ng Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo.
24 Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Dios.”