5 “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito.
6 Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito,
7 sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog ng Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”
8 Sinunod ng 12 Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon. Kumuha sila ng 12 bato sa gitna ng ilog, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon.
9 Naglagay din si Josue ng 12 bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon.
10 Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.
11 Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao.