15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses.
16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito!
17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin.
18 At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel.
19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.”
20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod.
21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno.