13 “Tumayo ka at sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili para bukas, dahil ako, ang Panginoon na Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘O Israel, may tinatago kayong mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Hindi kayo makakalaban sa mga kaaway nʼyo hanggaʼt nasa inyo ang mga bagay na ito.
14 Kaya bukas ng umaga, humarap kayo sa akin ayon sa inyong lahi. Ang lahing ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa angkan nila. Ang angkan na ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa pamilya nila. At ang pamilyang ituturo kong nagkasala ay humanay bawat isa.
15 Ang taong ituturo ko na nagtago ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin ay susunugin kasama ng pamilya niya at ng lahat ari-arian niya. Dahil nilabag niya ang kasunduan ko at gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.’ ”
16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda.
17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.
18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)
19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”