16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda.
17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.
18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)
19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”
20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko:
21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”
22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito.