16 Pagkalipas ng tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nabalitaan ng mga Israelita na malapit lang pala sa kanila ang tinitirhan ng mga taong iyon.
17 Kaya umalis ang mga Israelita, at matapos ang tatlong araw, nakarating sila sa mga lungsod na tinitirhan ng mga taong iyon. Itoʼy ang mga lungsod ng Gibeon, Kefira, Beerot at Kiriat Jearim.
18 Pero hindi sila nilusob ng mga Israelita dahil may sinumpaan silang kasunduan sa mga pinuno ng Israel sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.Nagreklamo ang mga Israelita sa mga pinuno nila,
19 pero sumagot ang lahat ng pinuno, “May sinumpaan na tayo sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kaya ngayon ay hindi natin sila pwedeng galawin.
20 Ganito ang gagawin natin: Hindi natin sila papatayin dahil baka parusahan tayo ng Dios kapag sinira natin ang sumpaan natin sa kanila.
21 Pabayaan natin silang mabuhay, pero gawin natin silang tagapangahoy at tagaigib ng buong mamamayan.” At ganito nga ang nangyari sa mga taga-Gibeon ayon sa sinabi ng mga pinuno tungkol sa kanila.
22 Ipinatawag ni Josue ang mga taga-Gibeon at sinabi, “Bakit nʼyo kami niloko? Bakit nʼyo sinabing galing pa kayo sa malayong lugar pero taga-rito lang pala kayo malapit sa amin?