20 Ganito ang gagawin natin: Hindi natin sila papatayin dahil baka parusahan tayo ng Dios kapag sinira natin ang sumpaan natin sa kanila.
21 Pabayaan natin silang mabuhay, pero gawin natin silang tagapangahoy at tagaigib ng buong mamamayan.” At ganito nga ang nangyari sa mga taga-Gibeon ayon sa sinabi ng mga pinuno tungkol sa kanila.
22 Ipinatawag ni Josue ang mga taga-Gibeon at sinabi, “Bakit nʼyo kami niloko? Bakit nʼyo sinabing galing pa kayo sa malayong lugar pero taga-rito lang pala kayo malapit sa amin?
23 Dahil sa ginawa nʼyo, isusumpa kayo ng Dios: Mula ngayon, maglilingkod kayo bilang tagapangahoy at tagaigib para sa bahay ng aking Dios.”
24 Sumagot sila kay Josue, “Ginawa namin ito dahil natatakot po kami na baka patayin nʼyo kami. Dahil nabalitaan po namin na inutusan ng Panginoon na inyong Dios si Moises na kanyang lingkod, na ibigay sa inyo ang lupaing ito at patayin ang lahat ng nakatira rito.
25 Ngayon, nandito kami sa ilalim ng kapangyarihan nʼyo, kayo ang masusunod kung ano po ang dapat ninyong gawin sa amin.”
26 Hindi pinahintulutan ni Josue na patayin sila ng mga Israelita.