2-6a Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid, Juda, Fares at Zara na mga anak ni Juda kay Tamar, Esrom na anak ni Fares, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab, Obed na anak ni Boaz kay Ruth, at Jesse na ama ni Haring David.
6b-11 Mula naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa dating asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Amos, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayansi Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo.