1 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok.
2 Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit.
3 Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.”
5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!”
6 Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa.
7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya.
8 Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.
9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
10 Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
11 Sumagot siya, “Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay.
12 At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.”
13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.
14 Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi,
15 “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig.
16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”
17 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.
19 Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, “Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?”
20-21 Sumagot siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.”
22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan
23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.
25 “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang dapat magbayad ng buwis sa hari ng isang bansa, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?”
26 “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan.
27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang malaking salaping pilak. Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”