1 Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.
2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom.
3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.”
4 Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat,‘Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay,kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo.
6 Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.’”
7 Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito.
9 Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
10 Kaya't sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin.At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.’”
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.
12 Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea.
13 Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali.
14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadilimanay nakakita ng maningning na ilaw!Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayanay sumikat ang liwanag.”
17 Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres.
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.”
20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus.
22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.
24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling.