1 Panahon ng paghahari ni Herodes sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya'y isilang, may mga matatalinong taong mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem.
2 Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem.
4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?”
5 Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta:
6 ‘At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinunona mamamahala sa aking bayang Israel.’”
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin.
8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.”
9-10 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy na sa paghahanap; sila'y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata.
11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang sila'y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.
13 Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.”
14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina.
15 Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao.
17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
18 “Narinig sa Rama ang isang tinig,tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto.
20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Iuwi mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.”
21 Kaya't bumangon nga si Jose at iniuwi sa Israel ang kanyang mag-ina.
22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea,
23 at doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”