1 Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan.
2 Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”
3 May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.”
4 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan?
5 Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad?’
6 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”
7 Tumayo nga ang lalaki at umuwi.
8 Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.
9 Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka at maglingkod sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.
10 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain.
11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?”
12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit.
13 Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”
14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay madalas mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?”
15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.
16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit.
17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”
18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.”
19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad.
20 Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit.
21 Sinasabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.”
22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae.
23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang mga taong nagkakaingay.
24 Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” At siya'y kinutya nila.
25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon.
26 Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon.
27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”
28 Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila.
29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong pananampalataya.”
30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman.
31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
32 Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo.
33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!”
34 Subalit sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.
36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nanlulupaypay at litung-lito, parang mga tupang walang pastol.
37 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani.
38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”