1 Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad,
2 “Gaya ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan upang maipapako sa krus.”
3 Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas.
4 Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay.
5 Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”
6 Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin.
7 Lumapit sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y kumakain.
8 Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila.
9 “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!”
10 Alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo minamasama ang ginagawa niya? Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin.
11 Sapagkat habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.
12 Hindi pa ma'y binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin.
13 Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.”
14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari.
15 “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak.
16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.
17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lunsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”
19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.
20 Nang gabing iyon, dumulog sa mesa si Jesus, kasama ang Labindalawa.
21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tandaan ninyo, ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo!”
22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
23 Sumagot si Jesus, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.
24 Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”
25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
26 Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”
27 Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito
28 sapagkat ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.
29 Sinasabi ko sa inyo, hinding-hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ako'y muling uminom nito na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30 At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
31 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’
32 Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
33 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
34 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”
35 Ngunit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.”
37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban,
38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y puno ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang?
41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.”
43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi.
45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan.
46 Bumangon kayo at tayo na! Narito na ang magtataksil sa akin.”
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan.
48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip.
51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay.
53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng labindalawang batalyon ng mga anghel?
54 Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”
55 Binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.
56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan.
58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.
59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng sasaksi laban kay Jesus upang ito'y maipapatay.
60 Kahit na maraming humarap at sumaksi ng kasinungalingan tungkol sa kanya, wala silang matagpuang makakapagpatotoong si Jesus ay dapat mamatay. Sa wakas, may dalawang humarap
61 at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”
62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?”
63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”
64 Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”
65 Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan sa Diyos!
66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”
67 Dinuraan nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba,
68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
69 Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70 Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya.
71 Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.”
72 Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!”
73 Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Halatang-halata ka sa punto ng iyong pagsasalita.”
74 Sumagot si Pedro, “Mamatay man ako! Talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok.
75 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.