17-18 Mga alagad ko, mag-ingat kayo sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Sa pagkakataong iyon, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magpapatotoo sapagkat ito'y kusang ipagkakaloob sa inyo.
20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 “Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito.
22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.
23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
24 “Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon.