5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano.
6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel.
7 Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit.
8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.
9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso.
10 Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.
11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon.