19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”
20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya,
21 “Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi.
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas mabigat na parusa ang sasapitin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.
23 At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon.
24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang daranasin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.”
25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata.