40 Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa libingan.
41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto.
42 Sa araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Seba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan
44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos,
45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
46-47 Habang si Jesus ay nangangaral, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas ng sinagoga dahil nais nila siyang makausap. May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”