18 “Dalhin ninyo rito,” sabi niya.
19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao.
20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay.
21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao.
23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi.
24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin.