1 Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila
3 at sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
6 “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin.
7 Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.