21 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y mananalig sa Diyos at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi.
22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung nananalig kayo.”
23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”
24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.
25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka naman kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.”
27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginagawa ko.”