28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’
29-30 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan.
31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”“Ang nakatatanda po,” sagot nila.Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos.
32 Sapagkat naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”
33 “Pakinggan ninyo ang isa pang talinhaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at tinayuan ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaalagaan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain.
34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte.
35 Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo.