21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo.
22 At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng naaani ninyong yerbabuena, ruda, linga, ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Huwag ninyong kaligtaang gawin ang mga ito kahit na tamang gawin ninyo ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ani.
24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili.
26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa, at magiging malinis din ang labas nito!
27 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay.