29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ipinagpapatayo ninyo ng libingan ang mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid.
30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami sasama sa pagpatay sa mga propeta.’
31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin na ninyong kayo'y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta!
32 Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!
33 Mga ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno!
34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan.
35 Kaya nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinatay ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog.