26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya.
28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula.
29 Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”
30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo.
31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
32 Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.